Pages

Wednesday, August 22, 2012

Isang Pagtingin sa Natuklasang Bato sa Catanduanes

by: Bonifacio Comandante, Jr. at Victor Paz
Nuong Hulyo 12, 2002 sa ilog ng Payo, Panganiban, Catanduanes, nanghuhuli si Arnold Claveron ng mga ulang (Macrobrachium sp.) o freshwater prawns.  Ito ay bahagi ng programa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na maghanap at manguha ng mga inahin ng iba’t ibang uri ng isda sa tubig tabang. Ito ay kailangan sa pagpapalaganap ng gene pool ng naturang hayop kabilang ang mga hipon at ulang.  Naatasan si G. Claveron na mamuno sa gawaing ito bilang Project Manager ng BFAR Regional Freshwater Fisheries Center sa Camarines Sur.

Nakaugalian na ni G. Claveron na mamulot ng bato at kabibe sa mga lugar na kanyang pinupuntahan. Sa bihayeng ito, nakakita siya ng isang pahaba at hugis-rektanggulo (o parihaba) na bato na naisip niyang dalhin.  Ang mga ulang naman ay inilakbay ng mahigit sa kalahating araw patungo sa bagong tahanan na nakalaan sa kanila sa Fisheries Center, Bula, Camarines Sur.

Kinakailangan ni Arnold ng marami pang ispesimen kung kaya’t pinagaralan niyang mabuti ang mas magandang paraan sa paghuli at pagbiyahe ng iba’t ibang isda at ulang. Sa kanyang pag-aaral, nabasa ni Arnold noong 2004 ang pamamaraan ng pagbiyahe ng isda na walang tubig na natuklasan ng isang Filipino marine scientist na si Bonifacio Comandante.  Dagling nagkaroon ng kagustuhan si Arnold sa paraan ni Bonifacio subali’t dumaan pa ang ilang taon bago nagsalubong ang kanilang landas.

Ito ay nangyari noong si G. Comandante ang naging pangunahing tagapagsalita sa BFAR Regional Workshop on Action Research na ginanap sa Tabaco City noong Mayo 26-27, 2009 na siyang dinaluhan din ni Arnold.  Nagkapalagayang-loob ang dalawa at pagkatapos ng pagtitipon ay inanyayahan ni Arnold si Bonifacio na magsalita naman sa mahigit na isang daang mangingisda sa Bula, Camarines Sur hinggil sa tuklas-pamamaraan sa pagpapatulog ng isda.

Sa opisina ni Arnold nakita ni Bonifacio ang kakaibang hugis ng bato na nakuha sa ilog ng Payo.  Kalimitang ginagamit lamang ni Arnold ang bato na pabigat sa papel.  Ngunit may sapantaha si Bonifacio tungkol sa bato kaya ito ay kaniyang hiniling at ipinagkaloob naman ni Arnold.

Naisip ni Bonifacio na maaaring ginamit ang bato na pangkalang sa kabibe o taklobo (Tridacna sp.), kagaya ng ilang katutubong pamamaraan sa pagkuha ng taklobo mula sa ilalim ng dagat.  Isang halimbawa nito ay ang salaysay ni Galo, isang Tagbanua sa Burabod, Culion, Palawan, na ang pagkalang ng bato sa pagitan ng bahay ng kabibe habang ito ay nakabuka pa sa ilalim ng dagat ay mabisa upang mapanatiling buka ang taklobo.  Gayon din ang sinabi ni Miro Umhom, isang Hanunoo Mangyan sa Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro, na ang katutubong salitang tuklang ay nangangahulugan ng pagkalang sa manlot (taklobo sa Mangyan) upang mapanatiling nakabuka ang kabibe.

Ang bato na nakuha ni Arnold ay karaniwang tinatawag na buhay na bato sa Bicol dahil sa pino at makinis na panlabas  pati na ang kapansin-pansing tingkad ng kulay itim. Ito ay may sukat na 12 x 3 x 1.5 cm.  Nakatatawag-pansin din ang marahil na pagkakaukit ng hugis na V sa isang dulo ng bato.

Sa pagsisiyasat sa bato, ang unang katanungan na kailangang sagutin ay kung ano ang batayan para sabihin na ito nga ay nagpapakita na may sinadya na pagbabago dulot ng gawa ng tao.


Ang bato ay ginamit ng tao sa sumusunod na kadahilanan:
  •  Ang makinis na kanto sa dalawang bahagi ng bato, lalo na sa makitid na parte nito ay hindi marahil dulot ng pangkalikasang pangyayari o natural process of weathering (Larawan 1 baba).
  •  Ang hugis na V sa dulo ng bato ay nakalubog at banaag pa ang daan na  tipong  nagawa sa paraan ng paghahasa. Muli, mahirap itong mangyari sa hindi sinadya o natural na kaparaanan (Larawan 1 masbaba).
  • Hindi pareho ang kinis o texture ng mukha ng bato. Sa isang isang panig nito ay malaking bahagi ng datirating anyo o natural cortex ng bato ay wala na, imbes ay mayroong di pantay na magaspang na katangian na mapapansin sa hugis ng bato at may ilang mga natirang makinis na bahagi. Nang siniyasat ang mukha ng bato sa ilalim ng microscope na may magnipikasyon na x 10 at x 20, lumalabas na hindi pantay-pantay ang hugis ng bato lalo na sa paligid ng natitirang cortext ng bato na may epekto na parang pausbong o relief (Larawan 2).
Walang duda na ang bato ay ginamit ng tao (bago pa ito ginawang pabigat sa papel). Kung kailan ito ginamit sa unang  pagkakataon ay mahirap na malaman sapagkat napulot lamang sa tabi ng ilog.  Ang makinis na mga kanto nito, lalo na sa mga makitid na bahagi ay nagpapakita ng pagsasaayos o aksyon ng pagkikinis na maaaring sinadya – hinugis para sa isang gamit, o dili kaya’y hindi sinadya  – ito ay kuminis dahil sa gamit ng bato, may kilos na nagdulot ng pagkakinis nito.

Kung tatangapin na inukit ng tao ang isang mukha ng bato, ang maaring dahilan nito ay para lumabas ang anyo ng sulat baybayin na “Ka”,  na nagbibigay patotoo sa pagtingin ni Comandate na ito’y gamit na parang ‘tuklang’.

Ito’y isang panimulang pag-uulat sa maaaring kahalagaan ng isang batong sinauna o artifact na nakita sa Catanduanes.  May ilang maaari pang gawin sa hinaharap na panahon upang patibayin o kontrahin ang pananaw tungkol sa bato sa ngayon. Una, tingnan ang bato sa higit na mataas na  magnification gamit ang isang Scanning Electron Microscope kung saan  kakasya ang buong bato upang mapatunayang  ang mukha ng bato kung nasaan ang mga hugis parang baybayin ay inukit nga. Ang Historiographical  Institute sa Okinawa, Japan na tumutulong sa Pambansang Museo ng Pilipinas ang isang halimbawa ng maaaring pagdalahan ng bato.

Sa ngayon ay nalalaman natin na may dalawang halimbawa ng katutubong salaysay o ethnography sa pagkuha ng taklobo sa dagat na galing sa Mindoro at Palawan.  Marahil ay makakikita pa ng mga bagay na sadyang inukol na halimbawa ng tuklang at maililimbag ang paraan ng paggamit nito.  Maihahambing din sa hugis ng bato na siyang magpapalakas ng pagpasya kung ito nga ay may kinalalaman sa ganitong gawain.  Nakakatuwang isipin ang mga maaaring direksyon ng pananaliksik sa hinaharap.


Pasasalamat kay Dr. Mijares at Dr. Pawlik sa pagtingin din sa bato at sa kanilang opinyon.


*Comandante, Bonifacio Jr and Victor Paz, 2009. Isang Pagtingin sa Natuklasang Bato sa Catanduanes: TEST PIT, Chronicle of the University of the Philippines, Archaeological Studies Program. No. 14 p. 18-20




Larawan 1: Hugis ng bato na hindi nagalaw ng tao (baba) at bakat ng pagsasaayos (masbaba)

Larawan 2: Litrato ng lugar kung saan nandoon ang Ka (baba) at mas pinalaking Ka (masbaba)



Source:
http://www2.baybayin360.org/content/isang-pagtingin-sa-natuklasang-bato-sa-catanduanes

No comments:

Post a Comment